Hunyo 18, ika apat na buwan nang dapat ay pagdiriwang ng isang relasyong ipinagdasal at pinag-isipang mabuti. Ngunit sa halip na pagdiriwang, bago pa man dumating ang araw na ito ay pinagpasyahan ko nang makipaghiwalay sa kanya! Napagtanto kong hindi ako masaya! Sa aking pagmumuni-muni, isa-isa kong inalam sa aking sarili kung hanggang saan, hanggang kailan ako magkukunwaring kuntento ako.
Unang buwan, puros pagmamahal at ngiti ang namumutawi sa aking pagkatao. Madalas nyang sabihing ako na ang magiging katuwang nya habang buhay. Madalas din ang pagyaya nya sakin ng kasal. Di ko inalintana ang mga mumunting agam-agam sa aking puso. Basta naniniwala akong sya'y biyaya galing sa Dyos at tama ang aking pasyang bigyan sya ng pagkakataong maging parte ng aking buhay.
Ikalawang buwan, naging mailap sa amin ang pagkikita dahil sa kinailangan nyang gampanan ang responsibilidad nya sa kanyang pamilya. Ngunit hindi sya nagkulang sa pagpapaalala sa akin ng kanyang pag-ibig! At dahil nga sa kanyang sitwasyon, binigyan ko sya ng kalayaang makipaghalubilo sa mga kaibigan kasama na ang pag-inom bilang bahagi ng kasiyahan. Hindi ako naghigpit ngunit hindi ako tumigil sa pagbibigay paalala sa kanya.
Ikatlong buwan, dumami ang mga agam-agam sa aking puso! Maraming mga pangako ang napako sa kagustuhang mapunuan ang mga panahong hindi nagkita. Ngunit ito rin ang naging dahilan kung bakit hindi naging panatag ang aking puso. Makailang beses akong nagtangkang makipaghiwalay para tapusin ang kasalanang aming kinasangkutan. Pilit kong ipinaunawa sa kanya ang aming pagkakamali ngunit nagbingi-bingihan sya. Naniniwala syang doon din naman ang aming kahahantungan kaya walang masama sa aming nagawa.
Naging matabang ako sa pakikitungo sa kanya, naging masmatabang sya! Wala na ang mga pagpapahayag nya kung gaano nya ako kamahal, wala na ang mga tawag sa telepono para lang maibsan ang pangungulila. Wala na!
Naisip kong marahil ay malaki ang naging epekto ng pakikipaghiwalay ko sa kanya. Binigyan ko ng isa pang pagkakaton ang aming relasyon. Araw-araw sinasabi kong mahal ko sya, araw-araw sinasabi ko sa sarili kong mahal ko sya. Higit sa isang beses sa isang araw pinararamdam ko sa kanya n importante sya sa akin.... pero nanatili syang matabang! Nabuhay muli ang aking mga pangamba! Masmarami! Masnakakatakot! Pinapatay nya ang katiting na pag-asa sa puso ko na kaya naming malagpasan ang pagsubok na ito. Hanggang sa ayoko na! Hindi na ako masaya! Walang kapayapaan ang puso't isip ko. Hindi ko na kayang magbigay ng pagmamahal. Huminto na lang ang puso ko sa pagtibok para sa kanya! Ayokong umiyak! Wala naman talagang luhang nagtangkang tumulo. Marahil dahil hindi naman talaga ako nakaramdam ng sobrang pagmamahal sa kanya kung kayat hindi na nakuha pa ng aking mga matang lumuha.
Ngayon, isang bagay lang ang nagagalak akong balik-balikan. Naging madasalin ako! Ang pinakaimportanteng natutunan ko sa paglalakbay na ito na kasama sya. Ang nag-iisang sandatang nagpatibay sa akin para makapagdesisyon na! Kayat kung sa ikalawang pagkakataon ay bigo ako, ok lang! Hindi naman ako nabigong matutunan ang dapat kong matutunan!