Sunday, August 16, 2009

para kay jose

Sa pagdaan ng mga araw, walong buwan n ang nakakalipas, natutunan kong kilalanin ang isang katulad mo. Ang palitan ng mga kwento, sa pamamagitan ng telepono akala ko, pwede na. Natutuwa tuwing makakausap ka, kahit nga minsan naging dahilan ng pagkapuyat, pagkaramdam ng antok habang nasa opisina. Namimiss kung hindi kita naririnig, nangangarap na minsan, sa mga susunod na araw, makikita na kita.

Unti-unti binuksan mo ang mga posibilidad, mga pangarap, mga emosyon na sa pagkakaalam ko'y hindi ko mararamdam sa loob ng ilang taon. Ipinakita mo ang alam ng puso mo at sa pamamagitan nito hindi ako nag-atubiling ibahagi sayo ang buhay ko.

Noong mga sandaling iyon, nakakita ako ng kakampi sa katauhan mo. Ikaw ung nagpaintindi sakin kung pano bumangon ang isang lalaki sa kabila ng pagkamatay ng kanyang puso. Binigyan mo ko ng lakas tuwing kailangan ko ito, inalok ng pakikipagkaibigan.

Dumating ka sa panahong kailangan kita. Hindi sa paraang katulad ng sa iba. Sila na noong dumating ay nagtangkang iahon ako sa pasakit na kinalalagyan ko, sila na hindi naman talaga tunay na nararamdaman kung saan ako nagmumula, sila na hindi naririnig ang mga lihim kong hinaing.

Kaya nga sa loob ng maikling panahon nakaramdam ako ng isang emosyong mahirap itanggi. Hindi makapagkunwari na higit pa sa pagiging magkaibigan ang nararamdaman ko. Hindi maitago sayo, hindi ko kayang hindi ipaalam. Ngunit alam ko namang mali sapagkat sa pagkakataong ito hindi na ko maaari pang magkamali. Akala ko pa naman pwede na. Akala ko kaya ko na uli. Pero hindi ko dapat gamitin ang puso ko sa ganitong pakakataon. Kailangan ikunsidera ang maraming bagay. Mga bagay na ikaw lang ang makakapagsabing hindi totoo. Ngunit sa ating mga pag-uusap ang mga bagay na ito ay hindi mo naman ikinakatwa.

Sa kabila naman nito, hindi ko ililihim sayo na mahal na kita, katulad na din ng nabanggit ko sayo. Nangangarap na sa ating pagkikita mayayakap kita, makakasama, magiging katuwang. Ngunit ang pagmamahal na ito ay siya ring gagamitin ko upang lumayo. Hindi pa pala ako handa. Hindi ko na din iisiping meron pang pag-asa tayong dalawa, kahit magdudulot ito ng kalungkutan. Minsan may mga bagay kasing mas mabuting manatili na lang kung paano natin dinampot, baka hindi pa tayo handang masaktan muli.

Kaya katulad ng mensahing ipinaabot ko sayo, magpapaalam na ako. Dasal ko para sayo, hanapin mo ang pagpapalago sayong karakter sa pamamagitan ng pagmamahal sa Dyos. Nawa mabalikan mo ring muli ang iyong nakaraan at magnilay-nilay, pagsisihan ang mga pasakit na naidulot sa iba. Sana magkaroon ka ng lakas ng loob na tumanggi sa mga makamundong bagay. Sana masumpungan mo ang babaeng tunay na magmamahal sayo. Lagi kang kasama sa mga dalangin ko, yan ang hindi magbabago.

"If one day you can't find me, can't connect with me, can't understant why... maybe it wasn't ment to be...."

-babang 8.16.09.942

No comments:

Post a Comment